Panalangin

 

“ Papa, ano ang depenisyon mo sa salitang  himala?”

“ Kapag may hiling ka na akala mong imposibleng mangyari pero natupad”

“ Parang katulad nung hiling ni Alladin kay Genie sa kwento mo kanina papa?”

“ Parang ganun na nga.”

 
 

Bumukas ang pinto ng kwarto ni Ruben, sumilay ang muka ng kanyang ina na may makapal na chin chun su ang dalawang pisngi at nakabalot ng tuwalya ang buhok.

 

“ Tama na yan, malalim na ang gabi,  matulog na tayo at maaga pa ang pasok bukas”

 

 line-hi 
 Sa Mata ng Isang Anak

 

Hindi ko alam kung anong nangyayari. Ang huling imaheng natatandaan ko ay ang pagiging balisa ni papa. Malakas ang sigaw niyang umaalingawngaw sa apat na sulok ng bahay. Kasunod noon ay ang tunog ng nababasag na pinggan at baso sa kusina. Halos madapa si mama sa pagmamadaling puntahan si papa upang yakapin at awatin sa pagwawala. Matapos ang ingay ay napalitan iyon ng nakabibinging pigil na iyak at hikbi mula sa aking mga magulang. Anim na taong gulang ako noon at sa edad kong iyon, wala akong lakas ng loob para tanungin kung ano ba talaga ang nangyayari.

Matapos ang nangyari nung gabing yun ay unti-unti kong napansin ang pagbabago sa aking ama; sa ugali, sa kilos, at sa pangangatawan. Oo, hindi siya yung natural na maalaga at malambing, pero ngayon kitang-kita mo kung papaano niyang maingat na binubuo ang matataas at makakapal na pader para mapalayo sa amin. Pader na nagsilbing distansiya ng aming mga puso.

Mataas ang tingin ko kay papa hindi dahil lagi siyang nakakurbata o hindi rin dahil laging kumikinang ang kanyang itim na itim na sapatos at lalong hindi dahil sa mainam na plantsadong damit at ganda ng kanyang pustura tuwing papasok siya sa opisina. Lalong tumindi ang paghanga ko sa kanya noong isang gabi na sobrang alat ng nilutong sopas ni mama – na lahat ata ng asin ng sanlibutan ay napunta sa sabaw ng ulam namin – pero sa halip na magbigay ng masamang komento ay agad na sinabi ni papa:

“Ma, kamusta ang araw mo?”

Kitang-kita ko ang pagka-stress ni mama sa trabaho. Bakas din ang pagod sa mukha ni papa. Nabatid ko kung paanong ang kakulangan ng isa ay nagmistulang oportunidad para sa isa upang punan ito ng pagmamahal at pag-intindi. Hindi ko maintindihan kung saan humuhugot si papa ng lakas at inspirasyon noon, at hindi ko alam kung saan na napunta ito ngayon.

Lumipas ang mga buwan na sobrang lamig na nang pakikitungo ng aking ama sa aming mag-ina. Araw-araw na siya ngayong nasa bahay. “Baka nakaleave lang ng matagal,” sa isip ko. Nagulat ako ng isang araw ay biglang siya ang sumundo sa akin sa eskwela na dati-rati ay si mama ang gumagawa. Nag-aalangan ako pero hindi mapigil ng bibig ko ang magkwento kay papa sa club na sinalihan ko.

“Pa, sumali pala ako sa chess club.”

Tumango lang siya.

 

“Sabi ni Sir Ronald baka ilaban daw nila ako sa district tournament. Minsan maglaro tayo, galingan mo at baka ma-three moves kita!”

Matipid na ngiti ang tugon niya sa akin.

 

Medyo napahiya ako kasi sobrang excited kong nagkwento sa kanya pero malamig pa sa “ice candy” ni Aling Ising ang mga tugon niya sa akin. Kagaya nang papalubog na araw na pinintahan ng kulay kahel ang bawat espasyong masasagi ng liwanag nito, gusto  kong lumubog sa kinatatayuan ko; gusto kong magtago sa bawat espasyo at gusto kong magtago sa liwanag para hindi niya na ako makita. Bahagyang binilisan ko ang aking lakad dahilan para matapilok ako at magkasugat sa magkabilang tuhod. Hindi kinaya ng puso ko ang mga sumunod na mga pangyayari. Nilingon ko si papa at nakita ko siyang blankong nakatingin kung nasaan ako. Walang bahid ng pag-aalala.

Sa pagitan ng paghahanap ng kalinga at pakiramdam na inabandona, isinilang ang poot na hindi ko kailanman naramdaman. Nauna kong punasan ang nangingilid kong mga luha bago pagpagin ang alikabok sa aking damit. Tumakbo akong papalayo sa kanya dahil sa kahihiyan at galit.

“Ruben?”

“Anak?”

Narinig ko ang pagtawag niya sa aking pangalan. Oo, kilala niya lang ako sa aking pangalan hindi kung sino ako. Hindi ko na siya nilingon at patuloy na tumakbo palayo.

 

Kinabukasan, diretso kami sa doktor. May galos sa muka si papa na wala akong ideya kung saan nanggaling. Akala ko dahil lang sa sugat kaya napatakbo kami sa hospital. Malinaw kong narinig ang pag-uusap nila mama, papa at ng doktor na mukang malinis tignan pero mukang tatlong ubo na lang ay magiging pasyente na rin. Pilyo pa ang isipan ko habang nakatingin sa pobreng doktor na biktima ng aking malikot at  mapanglait na imahinasyon ng biglang sabihin niya:

“Ikinalulungkot kong sabihin Mike pero mukang hindi na natin maaagapan ang tuluyang pagkabulag mo .”

“P-p-pero sinunod naman namin lahat ng bilin niyo? Bakit naman ganoon?” si mama.

“Misis, ginawa ko na  ang lahat para pabagalin ang paglala ng sakit ng asawa niyo pero hanggang dito na lang siguro”

“Siguro? Yan ba ang sagot na ibibigay niyo sa amin?”

 

Walang reaksyon ang manggagamot.

 
………………….

Lumuluha si Papa.

 

Sa edad kung saan nagsisimula palang kaming pag-aralan ang limang pandama ng tao: paningin, pang-amoy, pandinig, pansalat  at panlasa. Hindi ko alam kung papaanong tatanggapin ng aking munting isipan na babawasan ng mundo ang kakayanan ng ama ko para maramdaman kung gaano kasarap mabuhay. Muli, kagaya ng lagi kong ginagawa, tumakbo akong papalayo dala-dala ang  paniniwalang maiiwan ang takot na aking nararamdaman. Mali ako. Dahil kagaya ng limang pandama: nakikita, naaamoy, naririnig, nasasalat at nalalasahan ko ang lungkot at kawalang pag-asa saan man ako magpunta.

 

Gumising ako isang umaga na wala na lahat ng gamit ni mama. Mas madali sanang isipin na gamit lang ang nawala; na hindi niya kami iniwanang nangangapa sa dilim ng aking ama. Nakatingin lang ngayon si papa sa aparador na dati’y punong-puno ng magagandang damit ni mama. Hindi ko alam kung alam niyang bakante na ang mga ito. Hindi ko alam kung ano na ang alam niya . Pero alam kong alam niya na narito lang ako sa kaniyang tabi at tuloy pa rin ang takbo ng buhay.

 

Isang linggo ng umaga, natagpuan ko ang isang simbahan na malapit sa aming paaralan. Iba ang itsura ng simbahan kumpara sa dati naming pinupuntahan. May nag-gigitara sa unahan, nag-papiano, at may kumakanta nang paulit-ulit. Hindi ko mabilang kung ilang beses nilang kinanta ang chorus habang nakataas ang kamay at umiiyak.

 

Sa kabila ng ingay nang pagpupuri nila, nahanap ko ang kapayapaan; at doon, muling nagdasal ang aking puso. Dalawa lang ang hiling ko ngayon. Una, sana bumalik na si mama at pangalawa, sana makakita na si papa.  Linggo-linggo akong bumabalik kalakip ang parehong panalangin. Umaasa sa isa o dalawang himala. Nagbabakasakaling makulitan sa akin ang Diyos at dinggin Niya ang iniiyak ng aking puso. Pero kung iisipin, sa dami ng dasal na dumarating sa kanya. May panahon pa kaya siya para pakinggan ang panaghoy ng isang musmos na katulad ko?

 
 

Sa Mata ng Isang Ama

 

Wala akong makita. Sinubukan kong kumalma pero sa bawat maingat na galaw ko ay kasunod noon ang tunog ng nababasag na pinggan , baso at kung ano-ano pang bagay na makikita sa hapag-kainan. Hindi ko gustong ipakita sa aking mag-ina ang takot na nadarama ko pero kasabay nang mga nabasag na plato ay ang pagpipira-piraso ng dating buong-buong loob ko para harapin ang kahit na anong suntok ng buhay. Gusto kong kapain at hanapin muli ang tapang na dati’y lagi kong kaagapay. Hindi ko na ito makita. Nilamon na ako ng dilim at nilamon ako nito nang buong-buo at walang laban.

Hindi ko ginustong lumayo ang loob ng aking anak na si Ruben, at ang aking asawa na si Gina pero hindi ko kayang magpanggap na ayos lang ang lahat. Hindi ko kayang magpanggap na babalik sa normal ang buhay naming mag-iina. Naaawa ako ngayon sa sarili ko. Nagagalit ako sa sitwasyon kasi wala akong magawa. Nakakatawang isipin na habang ayokong nakikita nila ako sa ganitong kondisyon, ako at hindi sila ang hindi makakita. Ako yung hindi nakakakita kung papaanong nahihirapan din sila. Dumistansiya ako sa paniniwalang kapag ginawa ko iyon hindi na nila makikita ang mga takot sa aking mata. Mga takot na hindi nagpapatulog sa akin sa gabi. Mga pangamba na nagpapanatiling basa sa aking mga unan mapagabi man o umaga.

Mataas ang pangarap ko para kay Ruben. Hangad ko na makamit niya ang lahat ng pinaka magagandang bagay sa mundo. Ayokong maging katulad niya ako na inubos ang kalahati ng buhay sa pagtatrabaho. Gusto kong sabihin sa kanya na walang saysay ang tagumpay kung hindi naman siya masaya sa kanyang ginagawa. Gusto kong sabihin sa kanya na yakapin niya ang kanyang mga pangarap at yayakapin din siya nito pabalik. Gusto kong sabihin sa kanya na sa oras ng kabiguan, hindi niya kailangang magmadaling humakbang ; ang tanging kailangan niyang gawin ay matuto. Sa kalagayan namin ngayon, alam kong mas magiging praktikal siya at iisipin ang kung anong mas makakabuti sa aming pamilya. Sana sa kabila ng lahat, sundin pa rin niya kung anong sinasabi ng kanyang puso.

Nagsimula na akong lumiban sa trabaho at nagdesisyong gugulin ang oras kasama ang aking pamilya kahit na hindi pa ganoon kalala ang aking kondisyon.  Mahalaga ang bawat segundong nakikita ko pa sila. Marami akong nagawa noong araw na iyon. Nakapaglaba ako at nakapag kumpuni ng mga sirang ilaw sa bahay. Bago matapos ang araw ay sinundo ko si Ruben sa eskwelehan. Gusto kong makipagkwentuhan sa kaniya pero habang naglalakad kami pabalik ng bahay ay unti-unting nanlalabo ang aking paningin. Nakikita kong bumubuka ang bibig ni Ruben at nagkukwento ng mga bagay-bagay, hindi ko na makuha ang lahat ng sinasabi niya dala ng takot. Luminaw ang paningin ko. Lumabo. Luminaw ulit. Lumabo na ng tuluyan.

“Ruben?”

“Anak?”

Tumakbo ako sa direksiyong alam kong tinahak niya. May malakas na pwersang bumangga sa aking katawan. Tumumba ako sa kalsada. Narinig ko ang mga boses. Malakas sa simula. Unti-unting nawala. Hindi ko na alam ang nangyari pagkatapos.

 

Sa hospital kung saan sinasabi ng doktor na ginawa na niya ang lahat. Gusto ko siyang sigawan. Gusto kong magmura. Pero para saan pa? Hindi naman siya Diyos para sabihin sa akin na hanggang doon na lang ako. Naramdaman ko na lang na basa nanaman ang aking dalawang pisngi. Ayoko ng lumaban. Suko na ako.

 

Kasabay ng pagsuko ko ay ang pagsuko ni Gina sa aming relasyon. Hindi ko siya masisisi. Kung ako siya, mapapagod din ako; Kung siya ako, hindi ko siya iiwan kahit napapagod ako. Hindi ko alam kung anong mas masakit, yung nagawa niya akong harapin para sabihin ang dahilan kung bakit sumusuko na siya o yung bigla na lang siyang nawala. Wala na akong pakialam kung papaano siyang nagpaalam sa buhay namin. Ang alam ko lang, masakit – sobrang sakit.

Patuloy ang buhay kahit ayoko nang magpatuloy pa. Lumipas ang ilang buwan na si Ruben lang lahat ang gumagawa ng gawaing-bahay habang nag-aaral pa siya at pumapasok sa paaralan. Pakiramdam ko nga ay handang sumugod ang mga tauhan ng DSWD anumang oras para kunin ang aking anak at kasuhan ako ng child labor. Hindi ko alam kung saan siya kumukuha ng lakas at inspirasyon, at hindi ko alam kung saan napunta yung sa akin.

 

Isang araw, umuwi si Ruben na sobrang saya. Nakahanap daw siya ng bagong simbahan. Araw-araw niya raw pinagdarasal na makakita ulit ako. Alam naming pareho na isang malaking himala ang kailangan ko. Kung ang himala ay yung nagbibigay sayo ng inspirasyon para hindi sumuko, kung ang himala ay yung dahilan para gumising ka sa umaga, kung ang himala ay yung nagbibigay sa’yo lagi ng bagong pag-asa, kung ang himala ay yung umakay sa’yo na tignan ang magandang parte ng buhay, kung ang himala ay yung nagbibigay ngiti sa gusot-gusot mong muka – hindi ko kailangang makakita para makita na ang himala ko ay ang aking anak. Si Ruben ang himala ng aking buhay.

 

line-hi

 
 

 “ Papa, umaasa ka pa ba sa himala na makakakita ka pa ulit?”

“ Minsan ang himala ay hindi kung papaano nating inaakalang mangyayari ang mga bagay na hiling ng ating  puso pero kung papaanong gusto ng Panginoon na maganap at makita ito sa buhay natin.”

“ Parang ikaw sa buhay ko papa?”

“ Oo, parang ikaw sa buhay ko.”

 
 

Bumukas ang pinto ng kwarto ni Ruben, sumilay ang muka ng kanyang ina na basang-basa sa luha ang dalawang pisngi .

 
 

“ Tama na ang drama, malalim na ang gabi, matulog na tayo at maaga pa ang pasok bukas”

 
 
 
 
 

Ang akdang ito ay ang aking opisyal na lahok para sa Saranggola Blog Awards 2016.

Thank you Sponsors:

   

9 thoughts on “Panalangin

  1. Ang Galing. . . .
    Parang ang bagal tumakbo pero nanalo sa karera.
    Parang hindi matalino pero nanalo sa quiz bee
    Parang parang walang puso pero mapagmahal
    Parang mahina pero malakas
    Bulag ang mga mata pero nakakakita ang puso.
    “Parang ikaw sa buhay ko”
    Panalo ang kwentong ito.

  2. ……. parang ikaw sa buhay ko.

    Sarap basahin nung part na yan. As usual….. ramdam kong mananalo ka na naman. Paburger na!

Leave a comment using Facebook , Wordpress, Blogspot , Twitter , Email or whatever :p

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s