Hanggang kailan kita mamahalin?

Mabilis ang relasyon. Maraming nangyari. Matamis sa simula. Nagtapos nang mapait. Walang nagloko o nangaliwa sa aming dalawa, pero somewhere along the way  unti-unting tumatabang ang relasyon. Kung baga sa kape , kusang lumamig kahit wala kaming ginagawa. Ilang buwan na ang nakalipas. Nakahanap na siya ng iba. Nagbreak na rin sila tapos nagkabalikan ulit. Bakit sila nagkabalikan ulit tapos kami hindi? Pangit ba ako? Hindi ba ako worth it na balikan? Ang haba ng sinabi ko.  Ang gusto ko lang namang itanong ay kung hanggang kailan ko ba siya mamahalin?

Una sa lahat, gusto ko lang mag-set ng clear expectations o maglagay ng disclaimer sa mga mababasa mo. Hindi ako love guru kaya wag ka na masyadong mag-expect na may mapupulot kang aral dito. Diyan ka naman kasi magaling – ang mag-expect. Masakit ba? ‘Yan talaga ang una kong gustong ipamuka sa’yo. Kaakibat ng  pag-ibig ang sakit, kasi malalaman mo lang na nagmamahal ka na nang totoo, kapag nasasaktan ka na nang sagad sa buto. Oo nga pala, mahilig din akong makialam sa personal life ng ibang tao kaya hayaan mong himay-himayin ko ang statement mo sa itaas. Cycle lang kasi ang mga nangyayari sa isang relasyon. Kung baga iba-ibang flavor lang. Isa lang rin ang patutunguhan . Maaaring Happy ending o ending lang, wala na yung happy. Kaya kapag dumating na talaga si “the one” ,  dapat handa ka na . Dapat alam mo na ang gagawin . Umpisahan mo na ring bawas-bawasan ang pagbabasa ng precious hearts romances at paghintay na bibigyan ka ng gabay ng mga bituin sa  langit . Wala sa horoscope ang totoong pag-ibig, at lalong wala sa mga love story na nababasa o napapanood mo sa telebisyon o sa pelikula. Dvd copy man yan , clear copy o kahit download mo lang sa internet.  Bibigyan ka lang niyan ng false hope at high expectations sa paghahanap ng taong mamahalin. Ang true love mo , nasa tabi-tabi lang yan. Sa bus , sa jeep , sa coffee shop , sa elevator, o baka nasa Luneta park. Sinubukan mo na bang maghulog ng panyo sa daan ? May pumulot ba? Kung wala , ipitan mo ng isang libo . Siguradong may pupulot niyan pero hindi na isosoli sa’yo. Ganoon din minsan ang pag-ibig.  Nagbigay ka na nga ng extra effort , pero kahit piso o katiting walang bumalik sa’yo. Bakit nga ba ganun? Bakit hindi mo  itanong sa ex mo?  Hindi ako ganun. Wag mo ko idamay.

Sabi mo, mabilis ang relasyon niyo at maraming nangyari. Baka hindi ang relasyon niyo ang mabilis kung hindi ang buhay mismo.  Busy sa work. Busy sa mga personal na bagay. Nakalimutan mo nang maglaan ng oras upang batiin siya ng good afternoon sa tanghali o kaya good morning sa gabi. Minsan ok lang na mali ang salita , pero malinaw ang intensiyon at dahilan. Yung maramdaman man lang niya na naaalala mo siya . Kung titignan, maliliit lang ang mga bagay na ito kumpara sa mga engrandeng regalo kapag valentines o monthsary niyo. Pero kung talagang importante siya, siguraduhin mong mararamdaman niya yun  — sa maliit o malaking paraan. Kung marami masyadong nangyayari sa buhay niyo at sa relasyon niyo, take a pause. Take some time off sa trabaho. Mag out of town kung kinakailangan. Yung kayo lang dalawa. Sa ganoong paraan baka maalala niyo na minsan nang umikot ang mundo niyo sa isa’t-isa. Na kahit kayong dalawa lang , sapat na; buo na ang mundong pinapangarap niyo.

Sabi mo, matamis na nagsimula ang relasyon niyo at natapos nang mapait. Siguro dapat ka na lang magpasalamat dahil kahit papaano , may isang pag-ibig na nagsimula. Napatunayan mong may kakayanan kang magmahal. Yung klase ng pagmamahal na may kakayanang magtiis. May mga bagay ka ring nagawa na hindi mo akalaing magagawa mo. Kung ano man iyon , baka censored, wag mo nang i-share samin. Binigyan ka rin nito ng tapang. Yung tapang na kayang ipaglaban ang nararamdaman sa kabila ng lahat. Yung klase ng tapang na kayang kalabanin ang lahat para sa minamahal. Sa huli, mare-realize mo na , hindi man halata , pero mas naging mabuting tao ka. Kaya dapat wala ng pait. Tanggapin mo na lang na lahat ng “simula” may “katapusan”. Ang  mahalaga tinapos mo ito ng may ngiti at pagtanggap.

Sabi mo, unti-unting tumabang ang relasyon niyo. Kinumpara mo pa ito sa kape na kusang lumamig kahit wala kayong ginagawa. Pati kape dinamay mo. Pero kung iisipin, baka doon nga nagkulang. Sa effort. Wala na kayo masyadong ginawa para pagtibayin at palaguin pa ang inyong relasyon. Hinintay niyong lumamig ang kape bago niyo ininom. Pakiramdam niyo ata nasa starbucks kayo, nakaupo, nakisagap ng wifi , nagpost sa instagram ng picture with caption na “drinking coffee with my love” , pero ang totoo parehas kayong busy sa online world o sa ibang bagay. Nakalimutang niyong mag-usap. Nakalimutan niyong tumawa. Nakalimutan niyong  pahalagahan ang oras na magkasama kayo. Kung ang kape nga lumalamig, relasyon pa kaya?

Sabi mo, nakahanap na siya ng iba. Nagbreak na rin sila tapos nagkabalikan ulit. Bakit kamo? Isa lang ang sagot diyan. Maaga nilang natutunan ang kahulugan ng pagpapatawad. Kapag hindi na sapat ang pag-ibig pero sobra-sobra ang pang-unawa at pag-unawa , nagtatagal talaga ang relasyon. Tinanggap nila ang kamalian at kakulangan ng isa’t-isa at handa silang punuan ang kakulangang iyon. Kung sasabihin mo na ganoon din ang ginawa niyo pero di pa rin nag work out yung relasyon niyo. Wag mo na sa akin itanong. Itanong mo sa kape. Tutal mahilig ka namang mandamay.

Tapos na ako sa paghimay-himay ng mga kwento ng relasyon niyo. Panahon na para sagutin ko naman ang tatlong tanong  na tatlong gabi akong hindi pinatulog. Lalo na yung unang tanong.

1. Pangit ba ako?

Wala namang taong pangit. Pero tao ka naman no? Naninigurado lang po.

 

2. Hindi ba ako worth it na balikan?

Huwag  mong sukatin ang self-worth mo ayon sa pagtanggap sa iyo ng iba. Maaring wala sa iyo ang problema , maaaring nasa kanya o nasa kanila. Huwag mong gawing pamantayan ng iyong halaga ang sinasabi ng iba. Totoong masarap sa pakiramdam na may nakaka-appreciate at may nakakatanggap sa iyo. Pero mas masarap sa pakiramdam na una mong na-appreciate at natanggap ang sarili mo bago ka pa tinanggap ng ibang tao. Doon mo masasabing buo ka bilang tao at kapag buo ka, doon ka lang makapagbibigay ng buong pagmamahal sa iba.

 

3. Hanggang kailan ko ba siya mamahalin?

Walang timeline ang pag-ibig. Relasyon lang ang natatapos ; hindi ang pagmamahal. Maaaring lumago. Maaaring kumupas. Maaaring magbago pero hindi talaga nawawala. Kung baga may maiiwan pa rin. Pwedeng konti , pwede ring marami. Depende na lang siguro kung paano mo ide-deny.

Walang dahilan kung bakit ka nagmamahal kaya wag kang magtaka kung bakit hindi mo siya makalimutan kahit may mga masamang bagay na siyang ginawa sa iyo. Kinalimutan ka na nga niya. Hindi naman kasi yung mga ginawa niya ang minahal mo kung hindi siya mismo. Kaya wala siyang pwedeng gawin para hindi mo na siya mahalin. Hindi yung “verb” ang mahal mo kung hindi yung  “noun”.

 

Hindi ko sinadya na hindi sagutin ang mga tanong niya , lalo na yung three deadly questions, sadya lang talagang may mga tanong sa mundo na hindi na kailangan ng kasagutan o wala talagang eksaktong kasagutan. Maaaring hindi ko lang rin alam ang sagot. Yung ibang tanong kasi, maaaring tanong din ang sagot.  Parang pag-ibig;  walang formula, walang pattern, hindi mo alam kung kailan darating , o kung dumating na ba , o kung darating pa ba talaga. Parang maze na hindi mo alam kung  makakalabas ka pa pero nagtitiwala ka pa rin at umaasa. Umaasa na darating ang panahon na hindi mo na kailangan ng sagot sa bawat tanong, ng dahilan sa bawat nararamdaman kasi darating yung taong handang yakapin ang buo mong pagkatao kung ano , sino at saan ka nagmula.

Ang blogpost na ito ay ang aking opisyal na lahok sa Ispesyal na Patimpalak ng Saranggola Blog Awards.

20 thoughts on “Hanggang kailan kita mamahalin?

  1. nadale ako dito, ate san ah! akala ko may letter sender talaga. hahaha! so congrats ibig sabihin effective kasi nadale ako. May result na ba? Pero sa akin panalo na ito. dun naman sa istorya ng pag-ibig dito , halimbawang totoo. the only answer para sa akin ay forgive yourself and move on. Of course dapat ilabas ang pain pero huwag mong i-baby dapat ang goal ay be positive. gasgas na yung linya na may purpose ang mga bagay-bagay pero para ma-rephrase lang yan… kaya ka nadapa ay para bumangon kang mas matatag, matapang at maganda. hindi mo malalaman ang worth mo hangga’t ka nate-test. Mabuhay sa mga pumapag-ibig.

    • OMG…sorry sa iyo pala ito.. naka-bukas din kasi yung blog ni ate san ( sa saliw) napagpalit-palit. pero bagotilyo talagag para sa iyo itong sagot ko. halata naman di ba.

      • haha Salamat dito hoshi . Kaya pala nagulat ako at ate san ang tawg mo sakin. Tama, Mabuhay ang mga umiibig at mga nasasaktan pero umiibig muli😀

  2. Tama… Huwag mong kalimutan ang sarili mo. Self love muna… To be better for the other. Then work things out together. Kung hindi talaga, baka may nakalaan talaga para sa’yo. Basta do your best nalang palagi at samahan ng respect. Nuxxxx… Good luck!!!

    • haha .. Hindi no? ibang level si Papa jack . Pero may isang bagay akong lamang sa kanya. MAs mabilis uminit ulo ko pag nagbibigay ng payo kesa sa kanya. wahhaha

Leave a comment using Facebook , Wordpress, Blogspot , Twitter , Email or whatever :p

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s