Dreamcatcher

 

Pagkagising ko kaninang umaga , hindi ko alam kung anong ispiritu ang sumanib sa akin kung bakit ang topic na destiny, true love at forever ang unang pumasok sa isip ko.  Sa edad na dalawampu’t tatlo , ganito na ako mag-isip, samantalang yung mga kasing edad ko ay busy pa rin sa paglalaro ng online games para magpalevel-up ng character nila. Sa ngayon, dalawang bagay lang ang gusto kong maglevel-up sa aking buhay  : ang  career ko bilang isang nurse, at siyempre ang aking buhay pag-ibig. Hindi totoo ang destiny, yan ang paniniwala ko, o baka siguro yan ang gusto kong paniwalaan, o baka gusto ko lang dumating yung taong magpapatunay sa akin na mali ang paniniwala ko tungkol dito. Kung totoo ang tadhana, hindi pa rin ako sigurado, pero isa lang ang sigurado ako; nakatadhana akong pumasok sa trabaho ngayon, at kung hindi pa ako babangon siguradong late na naman ako. Lunes na lunes.

 —————————————————————————————————————————-

dream_catcher_by_protheus991-d7dic4i

 

Dahil wala akong oras para maghanda ng sarili kong almusal, dumaan ako sa paborito kong fast food chain upang doon na lang mag-agahan. Pumunta ako sa counter, pumili ng order, lumakad papasok upang maghanap ng mauupuan. Baling sa kaliwa. Baling sa kanan. Wala ng space. Nakatayo ako ngayon sa harapan ng isang babae. Mag-isa lang siya sa table. Kaunti lang din naman ang order niya. Spaghetti na hindi pa nababawasan at isang tasa ng kape. Maluwag pa ang espasyo para sa isa pang tao. Nakahawak ang kanang kamay niya sa tasa ng kape, na sa tingin ko ay malamig na, habang ang kaliwang kamay naman ay nakahawak sa  kaliwang dibdib . Tinignan ko kung hinihimas niya, hindi naman. “Ang gandang babae pero medyo wild,” sa isip ko. Malayo ang tingin niya. Tagos sa tao . Tagos sa damit. Tagos sa pader.  Bakas din sa muka niya ang pag-aalala, pero bago ko napansin ang pag-aalala niya nauna kong mapansin kung gaano siya kaganda.

 

“A , miss pwede bang makiupo?  Puno na kasi sa ibang table.”

Tumingin siya sa akin, blangko ang mga mata, tapos ay tumango. Napansin niyang nakatingin ako sa kanyang kaliwang kamay na kasalukuyang nakahawak sa kanyang dibdib. Agad naman niyang inalis ang kamay niya rito , bumuntong hininga, halatang nairita, at pagkatapos ay tumingin sa ibang direksyon. Dahan-dahan akong umupo. Dahil nga ma-pride ako o torpe siguro, hindi ko pinahalata ang paghanga ko sa angkin niyang kagandahan. Ang bilog na bilog niyang mga mata, ang mahahaba niyang pilikmata, ang makipot niyang  mga labi na may pink na lipstick, at ang itim na itim niyang buhok na lagpas balikat na may kulot sa dulong bahagi. Upang hindi niya mahalata na tatlong minuto na akong nakatitig sa kanya , tumingin muna ako sa labas. Grabe rin ang itim ng usok na lumalabas sa mga sasakyan. Kawawa naman si mother earth. Hindi ko ugaling mangulangot sa pampublikong lugar pero ramdam ko na may nakasilip na kulangot sa ilong ko. Ubos na ang tissue at wala na akong choice kung hindi dukutin ito gamit ang aking hintuturo. Tama ang hinala ko; sobrang itim nito. Sinisisi ko ang polusyon sa Metro Manila. Ipapahid ko sana sa ilalim ng mesa kaya lang transparent ito. Binilog ko na lang  nang kaunti. Pinitik sa may bandang kaliwa, pero sa halip na pumunta sa nasabing direksyon ay lumipad ang kulangot na parang agila at dumiretso sa kape ng babaeng nasa harap ko. Hindi ko napansin na nakatingin pala siya sa akin. Nakita niya ang buong pangyayari! Umirap siya sabay bigkas ng mga katagang  “disgusting!”. Nahiya ako kasi nakaputing uniform pa naman ako. Agad siyang tumayo, kinuha ang handbag at dumiretso sa pinto. Lumingon pa siya sa akin habang naglalakad dahilan para mauntog siya sa glassdoor . Agad namang bumuka ang mga labi ko habang sinasabi ang mga salitang “sorry”. Umirap siya ulit na parang nagsi-seizure. Lumabas. Nawala na siya sa aking paningin. Parang bula. Parang ghost. At yun nga ang nangyari kung paanong naging horror story ang dapat sanang love story ng buhay ko.

 

Diretso ako sa ospital pagkatapos mag-almusal. Late ako. Ang saya-saya.

 

 Hindi ko inaasahan ang mga sumunod na pangyayari. Nakita kong nakaupo sa wheelchair at nakasuot ng laboratory gown ang babae kanina sa fast food chain. Tulak-tulak ng nurse ang nasabing wheelchair , agad silang dumiretso sa operating room. Tinignan ko ang chart niya, at nalaman ko ang dahilan kung bakit siya nakahawak sa maselang bahaging iyon ng kanyang katawan. For left breast cyst removal siya ngayon. Hindi masyadong maselan ang procedure kaya makakauwi rin siya pagkatapos magpahinga ng ilang oras. Tinignan ko pa ang ibang detalye sa chart niya: pangalan, edad , birthday , address , at contact number. Sinulat ko ito sa maliit kong notebook. Hindi ako stalker. Inulit ko nang  dalawampung beses ang mga katagang iyan sa aking isipan bago ako sumunod sa operating room kung nasaan si Joanna. Oo , Joanna ang pangalan niya.

 

Makalipas ang ilang oras.

Palabas ako ng hospital para mag-yosi break muna, nakita kong naglalakad si Joanna papunta sa billing section. Balik na ang dating pustura at anyo;  parang hindi nanggaling sa isang operasyon. Nagtama ang mga paningin namin. Kumindat ako ,at sinuklian niya ito ng irap. Kapag may stroke patient ka o kaya ay unconscious, kahit anong response na makuha mo sa pasyente ay senyales ng pag-asa. Ganun ko tinignan ang sitwasyon namin ni Joanna. Umiwas siya at nagpatuloy sa paglalakad. Napansin ko na may bakas na pula sa may kaliwang dibdib niya, lalong tumingkad ang pagkakulay pula nito dahil sa suot niyang dilaw na blouse. Hindi ako sigurado kung dugo ba ito o sauce ng spaghetti na kinain niya kanina. “Joanna,” tawag ko. Agad naman siyang humarap sa akin. Bago pa niya itanong kung paano ko nalaman ang pangalan niya ay itinuro ko na ang kaliwang dibdib niya , napansin ko rin na bukas pa ang isang butones nito. Hindi niya napansin ang pulang marka, sa halip ay nabastusan sa ginawa ko. Marahang  isinuot ang butones sa butas at agad na tinakpan ang dibdib gamit ang handbag . “Ano bang itinatago mo? Nakita ko na naman iyan sa operating room kanina.” Na hindi naman totoo kasi sa recovery room ako na-assign. Kung kanina lumilipad na kulangot ang nakita ko, ngayon lumilipad na kaliwang kamay naman ni Joanna , na agad lumapat sa aking kaliwang pisngi. Hindi ako nasaktan sa sampal na iyon pero nainis ako, ngunit agad na napalitan ang inis ng pag-aalala nang makita kong nasaktan si Joanna sa ginawa niya. Hindi siya makapagsalita sa sakit. Inalalayan ko siya papunta  sa isang bench sa di kalayuan.

 
 

“ May nakita lang naman akong pulang marka sa blouse mo, akala ko dugo.”

“Sauce lang ‘yun.”

 

Matagal na walang nagsasalita sa amin. Hindi naman ako obligado na umupo pa nang matagal at samahan siya. Pero hindi ako umaalis hangga’t hindi ako nakasisigurong ayos na siya. Kahit papano kasalanan ko rin kung bakit kumirot ang sugat sa tahi niya.

 
 

“ Huwag mo sabihing uuwi ka mag-isa, sinong susundo sa iyo?” Hindi siya umimik.

“ Along the way lang naman ang bahay niyo. Sabay ka na, may sasakyan ako.”

“ Paano mo nalaman ang bahay namin? And what made you think na sasama ako sa taong hindi ko man lang alam ang pangalan?”

“And what made you think na seryoso ako sa offer ko?”

 

Ngumiti muna siya, pagkatapos ay tumawa. Nung mga oras na iyon , alam ko na hindi iyon ang huling beses na papatawanin ko siya.

 

“ Ako si Nick.” Inabot ko ang aking palad para makipagkamay.

“I’m Joanna, at kahit alam ko na ang pangalan mo hindi pa rin ako sasama.”  Inabot niya ang kamay sa akin. Kung pumayag lang sana siyang maihatid ko, agad kong iiwanan ang trabaho. Puro na lang kasi ako hanapbuhay, subukan ko naman yung hanap-lovelife. Kung panaginip ito ayoko nang magising. Pero nagising ako.

 dream_catcher_by_protheus991-d7dic4i

 
 

Muntikan ko nang ihagis ang alarm clock pagkagising ko. Ang ingay nito ang sumira sa maganda kong panaginip. Wala pang laman ang tiyan, pero dumiretso na ako sa ospital para mag-duty. Sa dami ng pasyente, wala na akong oras para isipin ang naudlot kong panaginip, para mag-yosi break, para mag bladder break at para lagyan ng laman ang tiyan ko. Literal na para akong trumpo sa dami ng gagawing trabaho. Huminto lang ang pag-ikot ko nang makita ko ang isang babaeng sobrang pamilyar sa akin. Si Joanna! Hindi siya nakaupo sa wheelchair at hindi rin nakasuot ng laboratory gown. Nakaupo siya sa labas ng telemetry unit (parang mini intensive care unit). Panay ang sulyap ko sa kanya mula sa nursing station. Hindi ako maaaring magkamali, siya nga ang babae sa aking panaginip. Ang pinagkaiba lang, hindi siya mukang mataray ngayon, muka siyang malungkot at nangangamba. Sino kaya ang pasyenteng binabantayan niya?
 
Natapos ang aking shift na hindi ko namalayang umuwi na pala si Joanna. Naisip ko ang aking panaginip. Sabi ng tropa ko nakakatulong daw ang dreamcatcher para mabawasan ang masasamang panaginip. Wala masyadong koneksyon. Ang gusto ko kasing mangyari ay magpatuloy ang aking panaginip, pero dumaan ako sa may Quiapo at bumili sa may bangketa ng dreamcatcher. Umuwi sa bahay. Nagsipilyo. Nagsipilyo ulit. Nagsuklay ng buhok. Nagpabango. Sinabit ang dreamcatcher sa may ulunan ng aking kama. Humiga. Pumikit. Nagdasal. Nanaginip muli.

 dream_catcher_by_protheus991-d7dic4i

 
 

Hindi ko agad sinabi kay Joanna na type ko siya. Pagkatapos ng operasyon niya, hindi ako agad  nagtext. Naghintay pa ako ng isang linggo. Matipid siya magreply. Kung hindi ako magtatanong, hindi siya sasagot sa mga text messages ko.Unti-unti kong nalaman ang maliliit na impormasyon sa buhay niya. Si Joanna ay dalawampu’t limang taong gulang at isang law student . Abogado ang kanyang nanay at tatay at mataas ang expectations nila kay Joanna. Oo nga pala, malapit na rin ang kanyang graduation. Hindi makakapunta ang parents niya, at ako ang pupunta. Dahil siya yung tipo ng babae na hindi pa-chicks, pinigilan niya ako. Para siyang babaeng mandirigma na may dalang bow and arrow. Sa tuwing lalapit ako sa kanya, pakiramdam ko nakatutok sa akin ang kanyang pana – handang bitawan anumang oras. Yung tipong kung gusto mong maging parte ng buhay niya, kailangan handa kang sumuong sa gera. Sinuong ko ang gera at napapayag ko siya. Pagkatapos ng graduation, kumain kami sa fast food chain kung saan kami unang nagkita. Ginunita kung paano kami nagkakilala. Gusto ko siyang kausap kasi hindi siya nauubusan ng dahilan sa mga bagay-bagay ; ayoko siyang kausap kasi hindi siya nagpapatalo. Lawyer nga. Alam kong magiging magaling na abogado siya balang-araw. Nagpatuloy ang komunikasyon namin, na ako lagi ang unang nagpaparamdam . Minsan sa chat . Minsan sa text. Minsan wala.

 
 

“ Naniniwala ka ba sa destiny?”

“Dahilan lang yan ng mga duwag na taong hindi kayang harapin ang katotohang mayroon silang pwedeng gawin para magkatotoo ang mga gusto nilang mangyari sa buhay .”

 

“Pano kung manligaw ako sa’yo?”

“ Pano kung sabihin ko sayong iiwasan kita pag inulit mo pa yan?”

 

“ Busy ka? Kita naman tayo sa sabado. Treat ko.”

“ Oo, nagrereview ako para sa bar exam. Sa susunod na lang.”

 

“Gising ka pa? Tingin ka sa langit. Bilis! May comet.”
 
“ Patulog na. Nakita ko nga. Meteor yun.”
 
“May pinagkaiba ba yun?”
 
“Oo i-google mo.”
 
“Tinatamad ako. Nagwish ka?”
 
“Oo.”
 
“Anong hiniling mo?”
 
“Na sana makapasa ako sa bar exam. Ikaw?”
 
“Ikaw.”

 
 
Hindi na siya nagreply pagkatapos. Sayang lang ang unlitext.
 
 

Bihira magparamdam si Joanna. Lagi rin tumatanggi kapag niyaya kong magkape sa labas, pero hindi na siya nakatanggi nung niyaya ko siyang kumain sa labas noong birthday niya. Walang event sa bahay nila , walang handaan, kaya siguro napilitan siyang sumama sa akin. Nag-isip ako ng pwedeng i-regalo sa kanya. Halos nasa kanya na ang lahat. Yung paborito ko na lang na libro tapos iipitan ko ng rosas sa gitna. Puting rosas, hindi pula, para di masyadong halatang patay na patay ako sa kanya. Nauna akong dumating sa meeting place. Labin-limang minuto na pero wala pa siya. Ok lang, handa akong maghintay kahit abutin pa siya ng forever. Nagulat ako nang biglang may tumapik sa braso ko , si Katherine – ang dati kong girlfriend. Parang eksena lang sa teleserye , saktong pagdating ni Joanna sa may pintuan nung makita niyang kinikiliti ako ni Katherine sa may bewang , lagi siyang ganon kapag naglalambing sa akin dati. Dumating na yung take-out order ni Katherine, hahalik pa sana siya sa pisngi  pero umiwas ako. Ngumiti siya at agad na umalis. Dumating na si Joanna sa table. Umupo. Tahimik lang siya buong gabi , halos ako lang ang nagsasalita. Tinanong ko kung may problema siya, wala naman daw. Natapos ang espesyal na araw niya na wala namang nangyaring espesyal. Pag-uwi ko ng bahay nakatanggap ako ng text message mula kay Joanna.

 

“Salamat sa libro. Yung rose, sana binigay mo na lang dun sa ex mo!”

“ Nagseselos ka ba?”

“IN YOUR DREAMS!!”

 

Ang hirap talagang intindihin ng mga babae.

 dream_catcher_by_protheus991-d7dic4i

 

Muli akong nagising. Hindi tumunog ang alarm clock kaya wala akong ibang masisi kung bakit ako nagising agad. Pagdating ko ng ospital nakita ko muli si Joanna. Alam ko ang habit niya kapag nag-aalala o kaya kapag siya ay natatakot , pinipisil-pisil niya ang malambot na bahagi ng kanyang tenga. Madalas niya itong ginagawa ngayon. Gusto ko siyang yakapin at sabihing “Ok lang yan.” Pero hindi niya nga pala ako kilala. Siya ay babae lang sa aking panaginip at ako ay maaaring estranghero lang sa buhay niya. Pumasok si Joanna sa kwarto ng pasyente. Sumunod ako sa kanya dala-dala ang pag-asang makikilala niya ako, umaasa na parehas pala kami ng panaginip. Pagbukas ko ng pinto nadatnan ko si Joanna na nakaupo sa gilid ng kama. Tinignan ko ang walang malay na pasyente. Nakita ko ang aking sarili. Magkahalong pagkagulat at takot ang kumain sa aking buong pagkatao.

 dream_catcher_by_protheus991-d7dic4i

 

Biyernes ng gabi nang tumawag sa akin si Joanna. Malungkot ang kanyang tinig at gusto niyang makipagkita. Nagkita kami sa park. Niyakap niya ako kasabay ng pagtulo ng kanyang luha. Umiiyak siya dahil hindi siya nakapasa sa bar exam. Tumatangis siya kasi nagkaroon siya ulit ng bukol, sa right breast naman. Ang babaeng matapang, ngayon ay parang batang umiiyak kasi inagawan ng laruan. Hindi ko masabing ayos lang ang lahat, kasi alam ko kung gaano niya pinaghandaan ang bar exam. Hindi ko alam kung paano papagaangin ang nararamdaman niya. Ang kaya ko lang gawin ay manatili sa tabi niya. Ikulong siya sa bisig ko. Ayusin ang magulo niyang buhok. Punasan ang mga luha niya gamit ang dulo ng t-shirt ko. Gusto kong ipaalam sa kanya na sa tuwing paiiyakin siya ng mundo, nandito lang ang mga balikat ko para iyakan niya. Nandito ang mga tenga ko para makinig sa kanya. Nandito ang puso ko para unawain siya. Pamilyar ako sa ganitong pakiramdam, kapag nakakakita ako ng pasyente na nasasaktan at nahihirapan, gusto ko silang hatian sa bigat ng kanilang nararamdaman. Ngayon, hindi ko lang gustong hatian si Joanna sa hinanakit niya sa mundo, gusto kong akuin ito nang buong-buo. Kung kaya ko lang. Kung pwede lang. Sabi sa paboritong libro na iniregalo ko sa kanya, kapag nalulungkot ka raw o pakiramdam mo ay minamalas ka, humanap ka ng puno at yakapin mo kasi ina-absorb daw ng puno ang negativity sa katawan ng tao. Siguro kaya niya ko yakap-yakap ngayon, kasi ginaya niya yung konsepto, o baka kasi muka akong puno, o kaya naman ay maugat kasi ang mga paa ko. Kung ako ang puno, si Joanna ang naging lupa ko para manatiling matatag. Ang dedikasyon niya sa kanyang mga ginagawa ay ang naging tubig na nagdilig sa akin para mangarap muli. Ang mga ngiti niya ang naging araw ko na nagbigay sa akin ng panibagong pag-asa at inspirasyon. Siya ang nagmistulang hangin na tumangay sa mga pabulok nang dahon paalis sa akin. Tinigil ko ang paninigarilyo, hindi dahil sinabi niya, gusto ko lang maging mas mabuting tao. Gusto kong maging deserving na tao para sa kanya. Gusto ko siya na lang ang maging bisyo ko. Nauna akong nahulog sa kanya sa kadahilanang gusto kong makasiguro na kapag nahulog na siya sa akin ay naroon na ako sa baba para saluhin siya. Ayokong masaktan siya sa kahit na anong paraan.

Inoperahan ulit si Joanna, at makalipas ang isang linggo lumabas ang resulta ng biopsy. Dininig ng Diyos ang panalangin namin, benign ang resulta ng eksaminasyon. Excited akong ipaalam sa kanya ang magandang balita. Nag-undertime ako sa trabaho  para sabihin sa kanya ito ng personal. Mabilis ang pagmamaneho ko. Malakas ang ulan. Madulas ang kalsada. May truck na sumalubong sa akin. Ang huling imahe na nakita ko ay ang pagtulo ng dugo sa basag na salamin ng aking sasakyan.

 

dream_catcher_by_protheus991-d7dic4i

 

Muli, napunta ang senaryo sa ospital kung saan nakatayo ako at pinagmamasdan si Joanna na panay ang hikbi habang nakalapat ang ulo sa katawang nakahimlay sa kama. Kung tatanungin ako ng dahilan kung bakit kailangan kong mabuhay, wala ako masyadong maibibigay na sagot. Hindi ako katulad ni Joanna na laging may handang maraming sagot sa isang tanong. Pero kung mayroon mang isang dahilan kung bakit may halaga pa rin sa akin ang mabuhay, tumingin ako kay Joanna at nagsalita, “Siya ‘yun.”

————————————————————————————————————————-

 dream_catcher_by_protheus991-d7dic4i

 
 
Pagmulat ng aking mata, ang unang pumasok sa isip ko ay kung papaanong nakabalik ang aking kaluluwa sa aking katawan.  Sa edad kong ito, akala ko alam ko na ang sagot sa lahat ng tanong ; hindi pala. Ngayon, dalawang bagay lang ang gusto kong gawin: ang ibalita kay Joanna ang resulta ng biopsy niya at ang mahalin siya habambuhay. Kung totoong destiny ang nagdala sa akin sa kanya, hindi pa rin ako sigurado, pero ito ang sigurado ako; natagpuan ko ang tunay na pag-ibig hindi sa aking panaginip, kung hindi sa isang babaeng naging dahilan ko para gumising sa bawat umaga. Totoo ang pag-ibig. Hawak ko ito sa aking mga kamay, at hinding hindi ko ito bibitawan magpakailanman.
  
  

“ O? Bakit ka iyak nang iyak diyan? Masyado ka namang nag-aalala. Wag mo sabihing mahal mo na….” Hinalikan ako ni Joanna sa labi bago ko pa matapos ang aking sasabihin.

  
  
  

**Wakas**

  
  
  
  

 Ang mahabang maikling kwentong ito ay aking opisyal na lahok para sa Saranggola Blog Awards Year 2014

 

SPONSORS:

 

 

taragis-jpg-logo
dmci homes logo

1779180_623239877730547_91486940_n

2peba

2dp

21 thoughts on “Dreamcatcher

  1. Wow! This inspire me to write more!hehe nakakatuwa! Astig ng settings and plots🙂 Medyo nagtaka lang ako na may law student na graduating na at the age of 20🙂 usually at the age of 20 katatapos pa lang nila ng isang pre-law.hehe then dun pa lang magstart ng law.🙂 Minor comment lang naman yun Sir. Nonetheless, I salute this story🙂

  2. for some reasons kinilabutan ako sa kwentong ito. hndi ako fan ng love stories pero anyway. naalala ko kung paano nag damoves sa akin si ano. bwahahaha.

    pero astig ng story mo bro. ang smooth lang ng flow. keep it up!

  3. Dear Sir bagotilyo,
    Inaasahan namin ang ganitong klaseng maikling kwento mula sa’yo at hindi kami nabigo.
    Congrats at sana’y magkita ulit tayo sa awarding.

    P.S.
    Ang lawak talaga ng iyong imahinasyon.🙂

    • Congrats talaga sakin kasi achievement na ang makapagsulat ako ng mahabang kwento. hahahha

      Oo nga. umattend ka daw kasi. lol

      P.S

      Hindi naman, mas malawak pa rin yung sayo .🙂

  4. Parang ganito lang ‘yan, eh:

    Lalake: May forever.
    Babae: Wala.
    Lalake: Meron…kapag naging tayo.

    Awwwtsuu.. In fairness ha, may kilig factor at hindi lng basta-basta yung plot. Galing!🙂

Leave a comment using Facebook , Wordpress, Blogspot , Twitter , Email or whatever :p

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s