Pluma at Bahaghari

 

PULA  

“ Mali ang kaisipang tayo ang bumubuo sa pag-ibig. Tayo ang binubuo ng pag-ibig.”

 

Maganda ang lugar. Payapa , tahimik at tanging liwanag lamang sa mga munting lampara ang nagsisilbing ilaw ng maliit na silid. Nagsimulang hagurin ng musikero ang kanang kamay dahilan para umalingawngaw ang musikang nagmumula sa biyulin. Nabawasan ang kaba sa aking dibdib dahil sa ganda ng melodiyang tila ba nanghaharana sa aking mga tenga. Nakatingin sa’kin si Laura. Bakas sa muka nito ang pagtataka. Bakas sa muka ko ang kaba.

 
 

Ikalimang anibersaryo namin ngayon bilang magkasintahan at ayoko nang paabutin pa ng anim bago ko gawin ang isang bagay na noon ko pa gustong gawin. Dalawapu’t siyam na ako habang dalawampu’t anim naman siya. Parehas kaming nasa wastong gulang na para gawin ito. Lumuhod ako sa harapan niya at agad binuksan ang isang maliit na kahong naglalaman ng diamanteng singsing na pinag-ipunan ko mula sa kakarampot kong sweldo.

 
 

Wi-will you marry me? ” mautal-utal ang aking tinig.

  

Tanging luha ang naisagot niya sa akin. Hindi ko namalayan pero tumulo na rin pala ang mga luha sa aking mga mata. Niyakap ko siya ng mahigpit. Nagtagpo ang  aming mga labi. Pakiramdam ko tumigil din ang pag-ikot ng mundo. Doon ko napatunayan na may mga bagay na hindi na kailangan ng salita para maintindihan ng lubusan.

 
 

KAHEL 

“ Sapagkat hindi salapi ang tunay na kayaman ; kung hindi ang karunungan.”

 

  

Sa tuwing may hindi kami pagkakaunawaan ni Laura kay nanay ako unang lumalapit sa kadahilanang naniniwala akong kaya niyang ipaliwanag ang pag-aalburuto ng mga babae. Baka sakaling mas maintindihan ko ang hinaing ng aking asawa.

 

Sa pagkakataong ito masyado nang magulo ang takbo ng relasyon naming dalawa. Parang sorbetes . Malamig. Unti-unti nang natutunaw.

 

Hindi lang medisina ang sagot para maghilom ang sugat at gumaling ang sakit.” Mamaos-maos ang boses ni nanay , halatang may nakabarang plema sa lalamunan.

  

Kailangan mo ring iwasan ang bawal at gawin ang tama. Kailangan mo ring intindihin ang dahilan ng iyong karamdaman. Saan ito nagmula at ano ang mga maari mong gawin para hindi ito lumala. Kagaya ko, may diabetes ako at alam ko ang limitasyon ng aking katawan.”

  

Pagkatapos niyang magbigay ng payo ay dali-daling binalatan ni nanay ang snickers na padala ni kuya. Sinubo ito ng buo . Nginuyang mabuti. Nilunok. Tumingin sa akin. Nagbigay ng nakakalokong ngiti.

 

  

Napakamot na lang ako ng ulo. Pero nakuha ko naman ang gustong iparating ni nanay. May tamis pa ang sorbetes. Kaya pang isalba ang relasyon.

  

DILAW

“ Sa dilim mas nagniningning ang liwanag.”

 

  

Dumating ang anak naming si Edward pitong taon na ang nakakalipas. Siya ang nagsilbing pag-asa at liwanag sa naandap naming relasyon ni Laura. Sinubok kami ng panahon , pero dahil hindi lang sarili at isa’t-isa ang kailangan ipaglaban ; Hindi lamang namin sinubukan pero ginawa namin ang lahat para isalba ang tinatawag naming pamilya. Sa halip na manghina lalong tumibay ang pundasyon ng aming relasyon. Unti-unting napuno ng kaligayahan at pagmamahalan ang aming tahanan.

  

“ Tay ang kyut naman ng bata sa litrato.”

Kitang-kita sa muka ni Edward ang ngiti habang hawak-hawak ang photoalbum na may nakasulat sa harapang “edward’s third birthday

 

“ Ikaw kaya ‘yan,” nakangiti kong tugon.

 

“ Ako po ba ito? Bakit ‘di ko maalala? Buti pa ang kamera naalala niya tapos nilagay pa niya sa litrato. Ibig sabihin ba nun ‘tay mas matalino  sa akin ang kamera?”

 

“ Siyempre hindi , dahil marami kang kayang gawin na hindi kayang gawin ng kamera.”

 

Madalas magtanong si Edward ng mga tanong na hindi mo alam kung saan mo hahagilapin ang kasagutan.

 

“ Saan nakatira si papa Jesus?”  

 

Kitang-kita sa muka niya ang pagkasabik na marinig ang aking kasagutan.

 

“ Sa langit.”

 

“ Nasaan po ang langit? ”

 

“ Tingala ka.”

 

“ Wow! Ang ganda! Ang laki ng bahay ni papa Jesus. Ibig sabihin nakita na ng mga taong  pumunta sa buwan si papa Jesus kasi sabi ng titser ko lagpas daw sa langit ang buwan.”

  

“……………………”

  

Sa mga ganitong pagkakataon parang gusto kong sabihin sa kanya na baka nga mas matalino ang kamera kaysa sa kanyang ama.

 
 

LUNTIAN

“Hindi na tayo mga inakay para umiyak na lang at maghintay ng makakain. Lumipad ka na parang mga agila at yakapin ang kalangitan. Makikita mo na mas maganda ang mundo kung ang mga bagay na nakamit mo ay ang mga bagay na pinaghirapan mo.”

 
  

Kasabay ng paglaki ng aking pamilya ay ang pagyabong ko bilang ama , bilang tao , bilang asawa at bilang mamamayan. Noon , naniniwala akong ang mga politiko ang insekto ng lipunan. Ngayon, nalaman kong ako rin pala ay dating alupihan na nag-iiwan ng lason sa kalsada bitbit-bitbit ang mga kartolina at bibig na nagmumura , pagkatapos ay tatakbo gamit ang maraming paa para takasan ang mga responsibilidad na buong akala ko ay responsibilidad lamang nila. Hindi masamang ipaglaban ang karapatan kung alam mong ikaw ay naging tapat na mamamayan. Ngunit sa panahong ito ng aking buhay tapos na ‘kong sisihin ang gobyerno sa aking kahirapan. Naghanap ako ng trabaho , nagsumikap , at lumago . Noong nakilala ko si Laura at isilang ang dalawa kong anak na sina Edward at Trisha doon ko napatunayan ang responsibilidad ay hindi inuutos bagkus ay kusang inaako.Na ang kaunlaran ay hindi nagsisimula sa bibig kung hindi sa paghakbang. Paghakbang patungo sa tamang daan at tamang paraan.

 
 

BUGHAW

May mga pagkakataong mas madaling harapin ang kamatayan kaysa labanan ang kalungkutan.”

 
  

Taong kasalukuyan nang bawiin  ng Diyos ang pinahiram niyang buhay sa aking ama. Biglaan ang mga pangyayari . Sa edad niyang pitumput-pito hindi bakas sa itsura niya ang panghihina. Tahimik ang aking ama at malamang hindi niya lang iniinda ang kung ano mang nararamdaman niya. Umaga noon ng matagpuan ko siya na nakahiga sa sahig ng banyo. Walang malay. Wala ng buhay. Sabi ng iba stroke daw. Sabi ko na lang sa aking isipan siguro oras na talaga niya. Ang kamatayan ay  parang ahas na tutuklawin ka , kadalasan sa hindi mo pa inaasahang oras at panahon.

  

Araw ng libing:

“ Paglaki ko gusto kong maging astronaut. Para bago ako pumunta sa buwan dadaan muna ako sa langit para yakapin at kamustahin si lolo.”

  

Humihikbi si Edward habang binabanggit ang mga katagang iyon. Pinilit kong hindi mapaiyak. Tumingin ako sa malayo habang binababa ang kabaong ng aking ama sa ilalim ng lupa. Kung ang sakit ng aking nararamdaman ay para lamang dumi sa kuyukot na kayang tanggalin ng umaagos na tubig handa akong ubusin ang natitirang oras ng buhay ko para ipaagos sa talon ang bigat na dinadala ng aking puso.

Aking hinagis ang puting rosas, kasabay nito ang aking mga luhang magkasunod na lumapat sa himlayan ng aking ama.

 
 

INDIGO

“Ang kabutihan at mga aral na itinuro sa iyo ay ang mga bagay na kailanman ay hindi mabubura sa mundo.”

 
 

Naalala ko pa noong nakainuman ko si tatay isang linggo bago siya pumanaw , Nag-away kami ni Laura at pumunta ako sa bahay nila para maglabas ng sama ng loob.

 

“ Leo, Hindi kabawasan sa pagkabarako mo ang paghingi ng tawad lalo na kung alam mong ikaw ang nagkamali.”

 

Naningkit ang mga mata ni tatay habang humihithit ng sigarilyo. Bahagyang binuga ang usok at nagpatuloy.

 

“ Ang bisyo at kasalanan? Para ‘yang puta sa gabi. Madalas dumarating sa madilim na oras ng buhay mo. Akala mo ayos lang. Akala mo masarap. Mapang-akit. Mahalimuyak. Dadalin ka nito sa mundong akala mo ay tama. Tapos magigising ka na lang isang umaga na puro kadiliman na lamang ang iyong makikita. Hangga’t dumidilat pa ang mata mo sa umaga mayroon pang pag-asa. Hindi pa huli ang lahat anak.  ”

 

Nagulat ako sa aking narinig. Oo , alam kong ang aking ama ay ‘yung tipo ng tao na tinatayuan ang kanyang prinsipyo at paniniwala sa buhay. Pero hindi ko akalaing magmumula sa kanya ang mga bagay na aking narinig. Parang may kakaiba sa kanya nung gabing iyon. Lingid sa aming  kaalaman iyon na pala ang huling inuman naming magkasama.

 

“Pinapatagal pa ba yan?  Gawin mo na ang dapat mong gawin. Kapag pinatagal mo pa mas lalong tatabang at kapag mas matabang mas nakakasuka.”

  

Akala ko tungkol pa rin sa paghingi ko ng tawad kay Laura ang pinupunto ni itay. Ngumuso siya sa serbesa kong kulay puti na dahil sa natunaw na yelo.

 

Nagkatinginan kami at sabay na nagtawanan.

  

Hindi ko makakalimutan ang aking ama kasama ang mga aral na itinuro niya. Sapagkat utak lamang ang nakakalimot at hindi ang puso. Lahat ng sinabi niya , lahat ng pinadama niya , lahat ng tinuro niya lahat ‘yon nilagay ko hindi sa isip kung hindi sa aking puso. Isang uri ng pamana na ibibigay ko sa aking mga anak at sa aking mga apo na ipapasa nila sa mga susunod pang henerasyon ng aming pamilya.Walang katapusan. Walang hanggan.

 

LILA

“ May mga kwentong nagsisimula pa lamang , may mga kwentong nasa kalagitnaan na, may mga kwentong patapos na at may mga kwentong tapos na. Ano man ang naging istorya ng sa iyo sana’y  sa huli ay masabi mo na naging makabuluhan ang buhay na pinahiram sa iyo.”

 
  

“Pangarap kong maging astronaut tapos pupunta ako sa buwan , susungkutin ko ang mga bituin at ibibigay sa iyo marinig ko lang na sinasabi mo sa harap ng altar ang mga salitang opo father I do,”  biro ni Edward sa kasintahang si Michelle.

 

“Doktor ka na gusto mo pang maging astronaut! Baka gusto mo na ring mag-artista
para lagi kang nasa peryodiko!”
Inirapan lang ni Michelle si Edward . Halata naman na kinikilig ito sa tinuran ng binata.

 

 

“Mga banat mo kuya e no? Ang baduy!” sabat ni Trisha.

 

“Inggit ka lang kasi yung nobyo mo sobrang torpe. HAHAHA!.”

 

Akmang kukurutin ni Trisha ang kapatid . Nagmadali naman itong umiwas at binirahan ng takbo.

 

Tanaw-tanaw ni Leo ang kanyang mga anak na nagkakatuwaan at naghahabulan sa salas. Hindi niya maiwasang ngumiti sa kanyang nakikita. Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ni Laura habang tinititigan ang muka nito. Maraming taon na ang lumipas pero para sa kanya ang kagandahan ng kanyang asawa ay hindi pa rin kumukupas.


“Happy silver anniversary mahal.”
 Dahan-dahang inilapat ni Leo ang kanyang mga labi sa kamay ni Laura.

 

……………………………………………………………………………………………………………………….

Nakuntento ako sa buhay na isinabuhay ko. May mga bagay akong nakaligtaan pero mas marami rito ang mga bagay na aking natutunan. Akala ko sapat na ang pluma , papel at tinta para mabuo ang isang istorya. Mali ako. Kailangan ng kamay na gagabay sa bawat salita , ng utak na titimbang ng tama at mali, at ng puso para mahalin ang bawat ginagawa at mga tao sa paligid mo. Doon mabubuo ang kwento ng buhay mo na ikaw mismo ang nagsulat.

  

Pula, Kahel, Dilaw , Luntian , Asul, Indigo, at Lila. Ang inaakala kong walang kulay na mundo ay pinintihan ng kulay ng bahaghari. Hawak ko pa ang pluma , Hindi pa tapos ang aking buhay at marami pa akong maaring isulat. Kasama ang kaalamang hindi lang pala itim ang maari kong gamiting tinta maisusulat ko na ang buhay na tatawagin kong obra maestra.

  

Ang Maikling Kwentong ito ay nagkamit ng ikasiyam na karangalan sa Bagsik ng Panitik 2013 : Blog ng Pinoy, Tambayan ng Pinoy.

115 thoughts on “Pluma at Bahaghari

  1. teka, pang-ilan sa mga nanalo ‘tong yong lahok sa patimpalak, bagotilyo?… btw, antagal ng mga libre mo sa ‘kin, ha… padami nang padami ‘yon… iuuna mo na kaya ang halu-halo or ice cream? hihihi. hang hinittt! 😉

  2. one word adre: halimaw!

    mahusay yung kwento, yung daloy, yung ideya na nailatag naman ng maayos base sa pagkakalagay mo ng mga kulay.. tapos may aral pa.. galing, ang galing ng ideya nito..

    1. yun oh , napadaan ka dito.

      Andami-dami-dami-dami ko pang dapat matutunan at naeexcite n rin akong matuto.

      penge naman ng tips at talent? hehehehhe

      Salamat sa pagbisita at pagbasa idol 🙂

  3. nagbabasa pa ako ng ibang entry pero sa totoo lang ito so far ito ang pinaka paborito ko …

    mga salitang sumontok sa puso ko..

    ” ang responsibilidad ay hindi inuutos bagkus ay kusang inaako.Na ang kaunlaran ay hindi nagsisimula sa bibig kung hindi sa paghakbang. Paghakbang patungo sa tamang daan at tamang paraan.”

    Mga saltang nagpatulo ng luha ko habang binabasa ko… naalala ko ang aking yumaong Ama na nagbigay tatag sa akin upang harapin ang bawat bahaghari ng aking buhay..

    “Hindi ko makakalimutan ang aking ama kasama ang mga aral na itinuro niya. Sapagkat utak lamang ang nakakalimot at hindi ang puso. Lahat ng sinabi niya , lahat ng pinadama niya , lahat ng tinuro niya lahat ‘yon nilagay ko hindi sa isip kung hindi sa aking puso. Isang uri ng pamana na ibibigay ko sa aking mga anak at sa aking mga apo na ipapasa nila sa mga susunod pang henerasyon ng aming pamilya.Walang katapusan. Walang hanggan.”

    Goodluck sa entry mo… marami akong napulot na aral sa pagbabasa nito. 🙂

    1. MAraming salamat po at ito ay naging isa sa mga paborito mo.

      Masaya akong malaman na may napupulot na aral ang mga mambabasa sa mga sinusulat ko.

      Sa bawat kulay ng buhay wag sana natin kaligtaan ang bawat aral na itinuturo nito.

      Salamat po muli 🙂

  4. Ang ganda bro. Naniniwala rin ako dito na yung mga milestones sa buhay natin ay nagbubukas ng bagong mina ng kaalaman at karunungan sa ating buhay. Maraming realizations tayong nasasalubong at mas nagiging malawak din ang pang unawa natin sa mga bagay bagay. Astig nitong post na ito. 🙂

          1. marami pa kong matututunan. nakakaexcited din pla ang buhay kasi sa bawat milestone andun yung mga “learning” na bubuo sayo at magpapatatag sayo.

            kaya pala buong-buo yung pangalan ng blogsite mo dito :p

  5. Life is made beautiful by the color of every events in our lives. This may be fictional but I can’t help but relate it to my own life. And yes, how well we live our life is our own masterpiece crafted as we paint the colors to it every day–it’s measured by how good and productive we lived our life, how we touched other people’s lives and what mark we leave to this world.

  6. very well written. Galing ng talent mo since you are still a very young man.
    Ganda ng mga aral ng kuwento mo.
    My dream too is write my own story:) Hindi fiction, but my own:)

    Thanks for visiting my site. See you around!

  7. Goodluck sa entry mo bagotilyo.. 😀 hehehe, .. touching ung every color mo.. galing ng story.

    this post reminds me of my old blog… yung maskara… dahil sa maraming kulay…

  8. may goosebumps effect to parekoy!
    ganda ng technique mo sa pagsulat
    typical at totoong totoo ung kwento light pero may sipa
    i mean madame aral,
    pinaka nagustuhan ko ung luntian
    good luck sa entry mo parekoy

  9. Minsan ko na ding ginamit ang mga kulay ng bahaghari sa paglikha ng maikling kwento. Tungkol iyon sariyalisasyon ng isang taong naligaw ng landas, at adik sa paggamit ng bawal na gamot.

    maganda ang kwento, (palagi naman).. napakahusay mo talaga sir 🙂

  10. Maganda ang kwento. ang bawat kulay ng bahaghari ay may mga kwentong kanya kanyang isinalaysay. Mahusay na paglalahad. Maraming salamat po sa pagbisita sa maliit kong espasyo sa blogspot at pag-iwan ng komento.

      1. isa kang tao, blogger na mahusay magpinta. at bahaghari talaga as in roygbiv – ikaw na… inaantay ko ang sunod na chance na ika’y mainlab, ahihi. ang gaganda siguro ng ipo-post mo pag nagkataon, yes! warm regards sa ‘yow. 🙂

Mag-iwan ng tugon sa Yvarro Pindutin ito para bawiin ang tugon.