Laruang Kotse

Tunay ngang napakagandang pagmasdan nang paglubog ng araw. Nakakarelaks at pag tinitigan mo ito hindi maaring hindi ka mamangha sa angkin nitong kagandahan.Parang ang lahat ng kahulugan ng buhay ay naipapaliwanag nito. Lahat. Lahat- lahat.

 

hoy.” Sabay ang mahinang tapik sa balikat ko.

 

sabi ko na nga ba dito kita matatagpuan eh, kamusta ba tol?”

 

Agad akong napalingon , si Jeff lang pala. Si Jeff ang matalik kong kaibigan. Katamtaman ang katawan , matangos ang ilong at may kayumangging kulay ng balat. Mas bata siya tignan sa eded na bente uno.

 

Nakatingin ka nanaman sa kawalan Lance.”

 

Oo nga pala , nakalimutan kong magpakilala. Ako si Lance , dalawampu’t dalawang taong gulang. May kapayatan , may kaputian at ehem! may kagwapuhan. Hindi ko alam kung bakit hindi ako nahihirapang sabihin na isa akong ampon. Siguro dahil alam na rin naman halos ng lahat ng kapitbahay namin. Hindi ko na nasilayan ang aking mga magulang simula’t sapul.  Sila nanay myra at tatay Canor na ang kumupkop sakin simula nang iniwan ako ng mga butihin kong magulang. Tanging ang laruang kotse na umaandar kapag kinakaskas mo pabalik ang gulong sa sahig ang naiwan nilang alaala sa akin. Gusto ko silang makita kahit saglit lang . Napakarami kong katanungan na alam kong sila lang ang makapagbibigay ng kasagutan. Ako si Lance at bukod doon hinahanap ko pa rin ang aking sarili ,ang aking pagkatao.

 

“ Hanep ah , parang walang naririnig.”

 

“Ay pasensiya na pare napalalim lang ang pag-iisip.” Tugon ko.

 

“ Lagi naman eh , Nga pala nagtext si Marian tinatanong kung bakit di ka nagrereply sa mga text niya”

 

“Nawala kasi yung cellphone ko.”

 

“ Nawala o kinuha ng erpat mo para ipambili ng shabu?.”

 

 

Isang malalim na buntong hininga lang ang naitugon ko sa sinabi niya.

 

Umupo si jeff sa tabi ko ,  naging seryoso..

 

“ Ano ba’ng iniisip mo?”

 

“Marami.”  Maikli kong sagot.

 

 

Alam kong alam ng besprend ko na wala ako sa mood para magkwento.

 

 

Dahil malapit nang magdilim nagdesisyon akong umuwi na sa aming bahay. Habang naglalakad ako sa masukal na kalye ay may nadaanan akong mga nag-iinuman. Malakas sila magtawanan , mainam ang kwentuhan at maya-maya pa ay maririnig mo na silang nagmumurahan na at naghahanap na ng away. Ganito ang laging eksena ng mga lasing dito sa amin. Lumiko ako sa isang makipot na eskenita upang mapadali ang aking pag-uwi. Mga nagsusugal naman ang bumungad sa akin. Ang hirap na nga ng buhay ganito pa sila mamuhay. Napatigil ako sandali pero hindi ko pinahalata na tinititigan ko sila ng bahagya , itutuloy ko na ang aking paglalakad  ng makarinig ako ng sigaw na umagaw sa aking atensiyon.

 

Eh lintik na bata ka! , lumayo ka nga dito , nahahanginan ako ng hininga mo. Kaya hindi ako tumatama eh. Malas ka!”

 

sabay batok ng malakas sa batang babae. Nagmamadaling tumakbo ang pobreng bata. Nakayapak , umiiyak at nagmamadali sa sobrang takot.

 

 

Naalala ko ang nakababata kong kapatid. Si Lyka. Sa edad na anim ay parang matanda na siya magsalita. Matanong , makutata at makulit. Napakainosente ng kanyang mga ngiti , nakakahawa ang kanyang tawa at minsan nakakainis din ang  atungal niya kapag hinahataw siya ni tatay ng palo sa puwit. Sa akin siya unang nayakap kapag sinasaktan siya ni tatay , sa akin siya unang nagsusumbong , sa akin siya nakakahanap ng kakampi. Kahit hindi kami magkadugo ay ramdam ko ang pagiging kuya ko sa kanya. Mahal na mahal ko ang kapatid ko kahit na lagi niya akong kinukulit na ibigay ko sa kanya ang laruang kotse na tanging alaala ko sa aking mga tunay na magulang. Mangangatwiran pa iyon na ang laki-laki ko na daw at hindi na pwede sa akin yun. Sabi ko naman ang kotse ay pang “boy” lang. Lagi siyang bigo kapag sinusubukan niyang hingin sa akin ang nasabing laruan.

 

 

Medyo malayo pa ako sa amin pero naririnig ko na ang bulyawan sa bahay. Nag-aaway na naman sina nanay at tatay.

 

Pagbukas ko ng pinto naabutan kong nakatumba si nanay sa sahig na puro pasa ang muka literal na bangs niya lang ang walang latay. Di ko alam ang dapat kong maramdaman noong mga oras na iyon pero alam ko hindi ko hahayaang masaktan pa si nanay. Hindi ko motibo pero agad akong napasigaw.

 

“ TAY! TAMA NA!!!”

 

Sabay na lumingon si nanay at tatay sa akin.

 

“ Eh bastos pala tong batang to eh,” sigaw din ni tatay.

 

Nakita ko ang muka ni nanay. Nahikbi. Natangis. Bakas sa kaniya ang lungkot. Ang takot. Ang kawalan ng pag-asa. At ang mga nakikita kong ito na nararamdaman ni nanay ang tuluyang bumasag sa aking puso.

 

Dahan-dahang lumapit sa akin si tatay.

 

Dinuro ako.

 

“ Tarantado ka ah! Ano bang pinagmamalaki mo? Yang trabaho mo riyan sa palengke na barya-barya ang kita ha?”

 

Hinawakan niya ang aking muka gamit ang isang kamay.

 

Dahil hindi ako pinalaki ni naynay upang maging bastos na bata inalis ko lang ang pagkakahawak niya sa aking muka ng walang sinasabi. Ang hirap pigilin ng nararamdan. Ang hirap pigilin ng galit. Sa totoo lang gusto ko na siyang sapakin. Pero hindi ko nagawa sa  halip ay pinili kong lagpasan na lang siya at lumapit kay nanay upang tulungan siyang bumangon. Niyakap ko siya. Lalo kong naramdaman ang bigat ng kaniyang dinadala.

 

“ Ano ba?? Magdadramahan na lang ba kayo diyan? Sinabi ng kailangan ko ng pera. Anak ng lintik naman oh!”

 

 

Ramdam ko ang pagkairitable ni tatay. Halatang bitin na naman siya sa droga. Nagsindi siya ng sigarilyo. Hithit , buga. Hithit , buga. Nagtangka siyang lumapit sa amin.

 

 

Naiyak si nanay . Nanginginig ang boses siyang nagsalita.

 

“ Si Lyka”….. sabay ang hikbi. “ binenta siya ng tatay mo.”

 

Nagtayuan ang aking mga balahibo. Bumilis ang tibok ng aking puso. Umangat ang dugo sa aking ulo. Isang emosyon na hindi ko maipaliwanag.

 

Sinalubong ko  si tatay habang papalapit siya sa amin. Tinitigan ko siya ng matalim. Di ko namalayan natulo na rin pala ang aking luha. Nakatayo siya sa harapan ko. Naniningkit ang mga mata. Walang imik. Humithit ng sigarilyo at ibinuga sa muka ko.

 

“ #!@%^+ bata ka wag mo ‘kong tititigan ng ganyan makakatikim ka talaga sa akin.”

 

Tumalikod na siya  at humakbang , akmang lalabas na ng bahay.

 

“ Mga walang silbi , walang kwenta” sabay pitik ng papaubos ng sigarilyo sa sala.

 

Mabilis ang lakad ko para abutan siya. Hinawakan ko ang kanyang balikat at pigil ang galit na tinanong:

 

 

“Nasaan…Nasaan si Lyka?”

 

 

Tuluyan nang nagdilim ang paningin ni tatay. Binigyan niya ako ng matinding suntok. Sapat na upang magpabagsak sa akin, naramdaman ko na tumama ang ulo ko sa kung anong matigas. Kumalat ang dugo sa sahig. Di ko na alam ang nangyari pagkatapos…………..

 

………………………..

 

……………………….

 

 

Kamusta na po si Lance?” narinig ko ang boses ni jeff.

 

 

Mamaos-maos na tinig ang aking sunog na narinig. Boses na halatang galing sa isang mahabang iyakan.

 

 

“ Hindi pa rin siya nagigising”

 

 

Mahina ang mga boses. Alam ko gising ang diwa ko pero hindi ang katawan.

 

 

“ Bakit pa kasi siya pumalag eh.”

 

 

Naririnig ko na nanginginig ang boses ng besprend ko. Naiyak siya. Alam ko. Ramdam ko.

 

 

“ May namuo na daw na dugo sa ulo niya sabi ng doctor. Napakulong ko na din ang hayup na gumawa nito sa kaniya. Dun siya nababagay.”

 

 

Nung mga sandaling iyon ay nais kong marinig ang boses ni Lyka. Ang paglalambing niya , yung mga pangungulit at panliligaw niya para makuha niya ang laruan kong kotse. Pangako ,sa pagkakataong ito makukuha na niya ang matamis kong “oo”. Maramdaman ko lang ulit ang yakap niya at marinig ko lang ulit ang tinig niya.

 

Sa aking pagkahimlay , sa kabila ng aking kawalan ng malay ay may mga bagay pa rin akong natutunan. Na minsan hindi mo kailangang hanapin sa ibang tao ang parte nabubuo ng iyong pagkatao , dahil minsan dapat mo ring isipin na kung papanong ang isang ikaw na naging parte ng buhay ng iba ang bumuo at kumumpleto sa mundong meron sila. Isang pamilya. Hindi nga sa dugo ngunit sa puso. Kung dito man matatapos ang yugto ng aking buhay masaya akong lilisan dahil hanggang sa huli ako ay may natutunan.

 

Unti-unting lumalabo ang mga boses. At narinig ko ang nagpapanik na boses ni nanay.

 

“Dok! Dok! , Jeff tawagin mo ang doctor. Lance? LAAANNCEE!”

 

 

At muli , hindi ko na alam ang mga nangyari pagkatapos………………

 

 

………………………

 

………………………

 

 

 

Makalipas ang ilang araw matapos ang libing ni Lance:

 

 

Habang inaayos ni aling Myra ang mga gamit ni Lance ay may nakita siyang isang papel. Isang talaarawan. Talaarawan ni Lance.

 

 

August 25,2011

 

Dear Diary,

 

Perstaym kong magsulat ng ganito. Hindi ko na kasi kaya na walang pagsabihan ng bigat na nararamdaman ko ngayon. Naririnig ko na naman ang pag-aaway nila nanay at tatay sa baba. Ang bawat murahan ang bawat sakitan nila. Lahat iyon nararamdaman ko. Doble.Triple. hindi ko alam basta nasasaktan ko. Nasasaktan ako kasi mahal na mahal ko sila. Minsan naiisip kong hanapin ang tunay kong mga magulang , pero nananaig sa akin ang takot. Takot na pag nakita ko na sila ay hindi ko makayanang iwanan sila nanay , tatay at Lyka. Takot na maaring talikuran ko ang mga tunay kong magulang para sa kanila. Isa lang ang sigurado ko. Hindi ko kaya.

 

Kahit ganoon si tatay naging idolo ko siya noong maliit pa ako. Hindi naman siya ganiyan dati. Pakshet lang sa nakaimbento ng droga. Si nanay , siya na ang buhay ko. Siya ang nagtiis sa mga kalokohan ko noon, siya lang ang umunawa sa akin , siya lang ang umintindi at siya lang ang naniwala. Si Lyka ,siya ang dahilan kung bakit ako nagpupursigi at nagtitiyaga sa pagtatrabaho sa palengke. Pangarap kong makapagtapos siya. Ayokong magaya siya sa kanyang kuya. Sa darating na kaarawan niya sa susunod na buwan ay ibibigay ko na ang pinakahihiling niyang laruan. Sosorpresahin ko siya. Sana bukas paggising ko OK na ang lahat. Sana…..

 

 

                                                                                                           Lance P. Reyes

 

 

Natulo ang luha ni aling Myra. Hindi niya mapigilan ang pag-agos nito.

 

Bigla nalang may bumangga sa kaniyang paa.

Tumingin siya paibaba.

Nakita niya ang laruang kotse ni Lance.

Agad siyang tumingin sa may pintuan para hanapin kung sino ang nagpaandar ng nasabing laruan.

At kanyang nakita

 

 

 

 

 

Si Lyka………..

 

 *end*

 

Ang maikling kwentong ito ay opisyal na lahok para sa Saranggola Blog Awards 3

11 thoughts on “Laruang Kotse

  1. hello, bagotilyo!

    ang happy naman,nakabalik na ako rito sa site mo. tama ba, sarado ang gate nitong iyong bahay dati?🙂 btw,sarado do’n sa amin ngayon… :c

    galing naman,pumi-fiction ka rito sa entry mo, ah. parang kamag-anak ka ni kulisap kung gumawa ng istorya, ahaha…puno ng hinagpis at sakit at pagsusumikap,hehe…

    good luck sa patimpalak!🙂

    • oo nga kulang kulang 2 months din ..hehe ngkaproblema sa server ng website ko…

      andami ko ng hindi narecover… on going pa din pgaayos ng website ko…whehehe

      ha?? bkit naman sarado pansamantala ang gate ng blog mo?

      haha magkamaganak kami ni jkulisap… anak niya ko…wahhahah
      🙂
      😦

Leave a comment using Facebook , Wordpress, Blogspot , Twitter , Email or whatever :p

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s