Ang mga pamangkin ko at Ako

Setyembre 05,2011

9:30pm

 

Noong nakaraang linggo ay sinundo ko ang aking pamangkin sa SM para iuwi ng Cavite City. Madalas na ganito ang eksena pagdarating na katapusan ng linggo. Hahatid siya ni ate Y-anne (ate ko) sa SM at pagkatapos niya akong ilibre ng mirienda ay agad-agad kaming uuwi ng aking poging pamangkin (na mana sa akin). Kakaiba mag-isip ang batang ito para sa limang taon. Kasi mas gusto niyang bigkasin ang ABCD ng pabaliktad at 1 to 100 ng pabaliktad.( Oo , nakabaliktad siya habang binibigkas niya yun)

 

Siya si Zedy at ang bawat kaarawan niya o kung ano mang okasyon ay wala akong ibang regalo sa kaniya kung hindi laruan. Laruan sa pasko , laruan sa kaarawan , laruan kahit kailan. ( nitong huli lang nagiba damit na angry birds).

 

Pinilit kong isipin kung bakit nga ba ako nahilig magregalo ng laruan. Noong kabataan ko kasi mahilig talaga ako sa laruan. Yung tipong ayos lang kahit patay na ang sosyal layp ko basta may laruan akong pinaglalaruan. Doon nahasa ang aking mapurol na utak , doon nagsimulang umandar ang aking imahinasyon. At dahil nga mapurol pa ako noon may kakaiba akong sayad at kabaliwan. Nilalagay ko ang mga laruan ko sa pridyeder. Sa paniwalang lalaki sila pag nilagay ko doon. Ewan ko kung saan ko nakuha ang haka hakang iyon. Siguro sa aking nagmumura at papasibol pa lamang na imahinasyon. Natutuwa ako pag-naaalala ko yung pagkapraning ko noon. Mga ala-alang kay sarap balikan. Hahaha.

 

Siguro isa pang dahilan ay dahil hindi ako laki sa marangyang buhay ay marami akong mga laruan na sa kasamaang palad ay hindi ko nakamtan. Naging “pagkabigo” na lang sila sa aking buhay at ayokong maranasan iyon ng ibang bata. Para kasing pag may hindi ka napunuan sa isang parte ng buhay mo noon ,dala dala mo na ito hanggang pagtanda mo. At dahil ayoko pang gamitin ang aking imbensyon na makinarya upang bumalik at maglakbay sa ibat ibang panahon, hindi mo na maibabalik ang nakaraan para punuan pa ito.

 

 

Dahil buwan ng wika noon isang linggo ay napili ang isa ko pang pamangkin  na anak ni ate shey (isa ko pang ate na mahilig din na manlibre ng pagkain) BURP! upang bigkasin ang isang tula sa harapan ng kanyang mga klasmeyts , guro , nanay , tatay, lolo , lola at usiseros. Sa edad na apat (maglilima ngayong buwan) ay nagawa niyang pataubin ang mga klasmeyts niya. (mana sa akin!)

 

Siya si angel. MATABA! Seksi , intrimitida , matalino at sa murang edad ay may pakialam na sa itsura pero hindi sa timbang. Ginagawa niyang libangan ang pagkain. At dahil nga nagkampeon ang biba kong pamangkin ay binigyan ko siya ng regalo. Hulaan mo? …. Sigurado mahihirapan ka….

Oo tama ka libro ng  tula ang binili ko para sa kaniya. Siyempre biro lang yun. Laruan din ang regalo ko sa kanya. Nakita ko ang tuwa sa kanyang mga mata , ang kasabikan sa paghawak ng kikay na kagamitan kong handog. Ipit dito , suklay doon at ilang minuto pa ay ang kaligayahang walang kapantay ay napalitan na ng kabagutang wala ding kapantay. Tunay ngang ang abilidad para magpokus ng mga bata sa ganitong edad ay maliit lamang.Kawawang laruan. hahaha

 

At dahil boto ako sa laruan kesa sa teknolohiya ay simpleng laruan lang lagi ang regalo ko. Hindi dahil hindi kaya ng badyet ko ang PSP ( oh etong pera, bumili ka ng lima, itapon mo yung isa) o kung ano ano pang makabagong gadyets. Para sa akin kasi sa laruan ikaw ang kumokontrol ng mga pangyayari. Hawak mo ang laro. Sa PSP hawak ka ng laro. Tagapindot ka lang. ( At ang linis ko magsalita parang hindi ako nagamit ng PSP)

Para sa akin ninanakaw niya ang parte na hindi mo na pwedeng balikan – ang iyong kabataan. Kaya hidi ko alam kung maiinggit ako o maawa sa  mga bata na PSP na ang hawak kaysa  sa laruang robot o sa laruang manika. Naniniwala akong ang laruan kasi ay di lang basta parte ng iyong kabataan, parte din sila ng iyong kasalukuyan. Ang mga ala-alang nalikha kasama ang mga laruan , kasama ang iyong mga kalaro ,at mga ala-alang minsan ay nagbigay kulay sa iyong buhay ay ang parehong ala-ala kung bakit minsan gusto nating iwanan ang kasalukuyan at muling bumalik sa ating kabataan.

 

 

 

 Ang blog entry na ito ay aking opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 3 

2 thoughts on “Ang mga pamangkin ko at Ako

  1. good luck sa saranggola! at tama ka rin, hindi kailangan ng mga bata ang pindot pindot na kung ano mang bagong teknolohiya. mas mabuting magbasa at kung ano pang tradisyonal na laro tulad ng piko, jackstone etc kung saan meron silang mga tunay na kalaro.

Leave a comment using Facebook , Wordpress, Blogspot , Twitter , Email or whatever :p

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s